![]()
Sa pagsubaybay ng Philippine Coast Guard, sumailalim ang UNTV News and Rescue Team sa limang araw na Safety, Rescue and Survival Techniques Training upang mapag-ibayo ang kasanayan ng grupo sa paglilitas ng buhay sa panahon ng tag-ulan at sa iba’t-ibang anyong tubig. (WEBSTER MOLDEZ / Photoville International)
MANILA, Philippines – Matapos sumailalim sa Basic Water Safety and Rescue Training ng UNTV News and Rescue Team na pinangunahan ni Kuya Daniel Razon sa pakikipagtulungan ng Philippine Red Cross (PRC) noong nakaraang taon, agad nasabak sa aksyon ang grupo sa paglikas sa mga residente sa Roxas District, Roces, Quezon City na na-trap sa kanilang bahay dahil sa mabilis na pagtaas ng baha dulot ng malakas na pag-ulan sanhi ng habagat.
Sa pagnanasa ni Kuya Daniel na madagdagan pa ang kaalaaman sa pagtulong sa kapwa, muling sumailalim sa mas mataas na antas ng pag-aaral sa water rescue ang mga reporter, cameraman, driver, nurse, emergency medical technician at medical first responders ng UNTV News and Rescue Team.
Pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang araw na safety, rescue and survival techniques training na ginanap sa La Mesa Ecopark sa Quezon City at sa Morong Star Beach Resort sa Bataan noong nakaraang linggo.
Kabilang sa mga itinuro ng PCG ang tamang ehersisyo upang mapalakas ang katawan ng mga rescuers, gayundin ang iba’t ibang paraan ng paglangoy, gaya ng freestyle, breast stroke, side stroke, survival back stroke.
Itinuro rin ng coast guard ang mga paraan paano makatatagal sa ilalim ng tubig at mabisang techniques para sa mas matagal at malalayong paglangoy.
![]()
Kasama rin sa pinag-aralan ay ang basic rope and rescue techniques, open-water survival techniques, water threading, at river crossing o ang tamang pagtawid sa ilog na may malakas na agos kasama ang ini-re-rescue. (MADZ MILANA / Photoville International)
Bukod sa kaalaman sa paggamit ng rubber boat, ibinahagi rin ng PCG ang tamang paraan ng pagayos, sakaling tumaob ang sinasakyang rubber boat.
Sa huling araw, tinapos ng mga participants ang limang araw ng training sa pamamagitan ng one-mile swim o paglangoy sa dagat sa distansya na isang milya.
“Inenhance natin yung lakas natin sa pagse-save sa tubig at saka survival skills. Yung 5 days na training na yun covered a lot of things but one thing is definitely sure when the rainy season comes the TMBB team will be ready for whatever disaster na dumating sa atin ngayon,” pahayag ni Jeffrey Santos, Operations Manager ng UNTV Rescue.
“Ang adbokasiya ni Kuya Daniel sa kanila na ang scoop basta tayo may isasalba tayong buhay that’s what our aiming The Glory To GOD,” dagdag pa nito
“Dun sa adbokasiya ni Kuya Daniel na Tulong Muna Bago Balita, kumbaga general term yung TMBB so any emergency dapat matuto yung mga kasama matuto kami as reporter, yun kasi ang pinaka-purpose ni Kuya Daniel na adbokasiya na news team sa atin na matuto ng ibat-ibang klase ng rescue,” saad naman ni Benedict Galazan, Host ng QUAT Program at Senior Correspondent ng UNTV News.
“Tumutok kami sa lahat ng bagay na 5 days na yan mula sa kanilang mental capability, physical capability saka emotional capability so pinagsama-sama namin yun binigyan namin sila ng senaryo saka training na ngayon lang nila naranasan,” saad naman ni PO2 Arnel D. Alejandro, PCG Trainor.
Ayon sa Philippine Coast Guard, mahalaga na patuloy ang isinasagawang pag-aaral sa kaalaman sa pagsagip sa buhay, hindi lamang sa mga rescuer kundi sa lahat dahil pagdating ng sakuna, mas mabuti ang palaging nakahanda. (Bernard Dadis / Ruth Navales, UNTV News)