
Katuwang ng San Pedro Laguna Rescue, nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue ang nabanggang nagbibisikletang si Randolf John Patiag. (UNTV News)
LAGUNA, Philippines — Tinulungan ng UNTV News and Rescue ang lalake na sugatan matapos mabangga ng tricycle ang kaniyang sinasakyang bisikleta sa San Vicente Road, San Pedro, Laguna mag-aalas otso nitong Linggo.
Kinilala ang biktima na si Randolf John Patiag, 43-anyos, na nagtamo ng sugat sa ulo at hiwa sa kaniyang bibig.
Ayon sa mga saksi, sinalubong ng biktima ang paparating na tricycle kaya ito nabangga.
Pahayag ng barangay tanod na si Victorino Onde, “Itong taong naka-bike medyo nakainom o lasing sinalubong ang tricycle, sa totoo lang ipinagbabawal mag-drive ng nakainom, naaksidente nga lasing na lasing. Ayaw pang umaming nakainom, eh.”
Agad namang nilapatan ng pangunang lunas ng grupo ang biktima katuwang ang San Pedro Rescue at dinala sa Muntinlupa Hospital.
Samantala, tatlong magkakasunod na aksidente sa Cabanatuan City ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue.
Nagkabanggan ang motorsiklo at tricycle sa Brgy. Bangad, Cabanatuan City alas-9 ng Linggo ng gabi.
Sugatan ang driver ng motorsiklo na si Jayson Fernandez matapos lumundag bago banggain ng humaharurot na tricycle.
Wala namang tinamong pinsala ang tricycle driver.
Ayon sa mga Brgy. Police na unang rumesponde sa lugar, bigla na lamang umovertake ang tricycle sa sinusundang sasakyan at saka bumangga sa kasalubong na motorsiklo ni Jayson.
Salaysay ni Nemecio Bondoc Jr., “Lasing yung tricycle driver. Yung tricycle na pauwi ng bayan, umovertake. Ito namang single, papunta ng palayan. Ayon nagkabanggaan dahil umovertake nga yung tricycle driver.”
Matapos lapatan ng first aid ang biktima ay kaagad na dinala ng UNTV News and Rescue Team sa Paulino J. Garcia Memorial Hospital.
Alas-onse kwarenta’y singko naman ng gabi, isa na namang banggan ng motorsiklo at tricycle ang nangyari sa Brgy. Bangad.
Nakahiga at duguan ang dalawang sakay ng motorsiklo, habang nakatayo ang isa pang angkas nito.
Nasa gilid naman ng kalsada ang tricycle driver na nakilalang si Daniel Ponce na nagtamo ng sugat sa mukha at galos sa braso.
Matapos na bigyan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng mga biktima ay kaagad na inihatid ang mga ito sa Paulino J. Garcia Memorial Hospital.
Ang Cabanatuan Emergency Search and Rescue Team naman ang naghatid sa isa pang angkas ng motorsiklo.
Makalipas lamang ang ilang sandali, matapos makapaghatid sa ospital,isa na namang banggaan ng motorsiklo at kolong-kolong o delivery tricycle ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team sa Brgy. Bantug Norte, Cabanatuan City.
Ayon sa nakasaksi, pareho ng direksyon na binabagtas ang motorsiklo at kolong-kolong, subalit nang magtangkang umovertake ang motorsiklo ay bigla na lamang lumipat ng linya ang kolong-kolong kaya bumangga sa likuran nito ang motorsiklo.
Kagaagad binigyan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang driver ng motorsiklo si Jomar Rivera na hinihinalang may bone fracture sa kaliwang balikat at saka dinala sa M.V. Gallego Memorial Hospital. (UNTV News Laguna and Nueva Ecija)
The post Lalake sugatan nang mabangga ng tricycle, tinulungan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.