
Ang paglapat ng first aid ng UNTV News and Rescue Team sa isang nasaksak na seaman na nagngangalang Jairo Rodriguez bago ito isugod sa East Avenue Medical Center nitong Linggo ng gabi. (UNTV News)
MANILA, Philippines – Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang lalaking nasaksak matapos umanong manlaban sa isang holdaper sa Commonwealth Avenue, Brgy. UP Quezon City, Linggo ng gabi.
Duguan at halos hindi makagalaw ang biktima nang madatnan ng news and rescue team dahil sa tinamo nitong saksak sa tagiliran, leeg at braso na mabilis namang nilapatan ng paunang lunas ng grupo.
Matapos nito ay agad dinala ang biktima sa East Avenue Medical Center.
Bagama’t nanghihina dahil sa tinamong sugat, naikwento pa ng biktimang si Jairo Rodriguez, 25-anyos ang pangyayari.
Aniya, pauwi na sana siya sakay ng bus nang may lalaking humingi sa kanya ng tulong kung paano makakauwi sa Montalban, Rizal.
Nahikaya’t umano siya nitong bumaba ng bus pagdating sa eastbound lane ng Commonwealth Avenue sa bahagi na ng Barangay UP.
Naglakad umano sila hanggang sa makarating sa madilim na lugar at doon na siya hinoldap ng suspek.
Sinubukan pa umano niyang manlaban subalit inundayan na siya nito ng saksak, saka tinangay ang kanyang wallet na may lamang limang libong piso, passport at seaman’s book.
Agad namang tumakas ang suspek at iniwan ang duguang biktima.
Mabuti na lamang at nakita siya ng isang tauhan ng MMDA na agad nakahingi ng tulong.
“Kinausap ko yung biktima sabi nya sa akin sinabi ko sa kanya napano ka sabi niya modus-modus,” pahayag n Jose Encinas, Traffic Constable 3 ng MMDA.
Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang kaso at ang posibleng pagkakakilanlan ng suspek. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)