
Ang pag-responde ng UNTV News and Rescue Team Pampanga sa isang aksidente sa Angeles City nitong Linggo ng hating-gabi. (UNTV News)
ANGELES CITY, Philippines — Mabilis na tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang mag-asawa matapos mabangga ng isang kotse ang sinasakyan nilang tricycle habang binabagtas ang kahabaan ng Bgry. Sto. Domingo, Angeles City, Pampanga, Linggo ng hating-gabi.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na kinilalang sina Allen at Catherine Salunga.
Sa lakas ng impact, nayupi ang unahang bahagi ng kotse at nasira naman ang tricycle.
Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang takbo ng kotse hanggang sa mawalan ito ng kontrol at sinalpok ang tricycle.
Matapos lapatan ng first aide ng rescue team ang mga biktima ay agad isinugod ang mga ito sa Pampanga District Hospital.
Iniinda ni Allen ang masakit na likod na napuruhan sa naturang banggaan.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ng mga biktima ang driver ng kotse. (Nath Arciaga & Ruth Navales, UNTV News)