
Ang babaeng motorcycle driver na naaksidente habang nilalagyan ng pang-unang lunas o first aid ng UNTV News and Rescue Team dahil sa natamong bali nito sa kaliwang binti. (UNTV News)
ANGELES CITY, Philippines — Mabilis na tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang isang babae matapos maaksidente sa motorsiklo sa Angeles, City, Pampanga, Biyernes ng madaling araw.
Nakahandusay pa sa kalsada at namimilipit sa sakit nang abutan ng rescue team si Janice Santos, 29-anyos matapos itong sumemplang sa sinasakyang motorsiklo habang binabagtas ang kahabaan ng Bgry. Balibago sa naturang lungsod.
Ayon sa biktima, pauwi na siya galing sa trabaho nang tumama ang kaniyang sinasakyang motorsiklo sa side mirror ng isang kotse nang tangkain nitong mag-over take.
Sa lakas ng impact ay tumilapon si Santos sa kalsada.
Aminado naman ang biktima na kasalanan din niya ang nangyaring aksidente.
Matapos mabigyan ng first aid ay agad na dinala ng rescue team sa ospital ang babae upang masuri ang tinamong pinsala at ang iniindang pananakit ng tuhod. (Rey Tamayo & Ruth Navales, UNTV News)