
Ang pagdala ng UNTV News and Rescue Team sa naaksidenteng si Philip Aviles sa East Avenue Medical Center matapos itong mabigyan ng pangunang lunas. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines — Isang lalaki ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team sa Commonwealth Avenue sa Quezon City madaling araw nitong Martes.
Ayon kay Ricardo Valencia na nakakita sa pangyayari, isang kotse ang nakabangga sa motorsiklo ng biktima.
“Natumbok sa likod, nabangga sa likod ng kotse, black siya pero hindi ko sure kung anong sasakyan.”
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang lalaki na kinilalang si Philip Aviles na nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at pamamaga ng mga mata bunsod ng aksidente.
Matapos mabigyan ng pangunang lunas, agad na dinala ng rescue team sa East Avenue Medical Center si Aviles.
Ang news and rescue team din ang humanap at sumundo sa mga kaanak ng biktima upang maihatid sa ospital. (Benedict Galazan & Ruth Navales, UNTV News)