Quantcast
Channel: News and Rescue – UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 209

UNTV News and Rescue Team Iloilo, sumailalim sa limang araw na water rescue training

$
0
0

Sumabak ang UNTV News and Rescue Team Iloilo sa limang araw na water rescue training upang makadagdag pa ng serbisyo publiko sa mga Ilonggo sa panahon ng tagulan at mga sakuna sa tubig (UNTV News)

ILOILO, Philippines — Upang mas mapalakas pa ang mga public service advocacy na isinasagawa ng UNTV sa pangunguna ni Kuya Daniel Razon, lalo na ng pagsagip ng buhay ng ating kapwa tao, sumailalim sa limang araw na water rescue ang UNTV News Team sa Iloilo.

Sa unang araw ng training ay sinubukan ng mga instructor mula sa Philippine National Red Cross Iloilo chapter ang kaalaman ng grupo sa paglangoy at basic rescue.

Sa ikalawang araw naman, tinuruan ang grupo sa iba’t ibang paraan ng paglutang sa tubig at maging ang iba’t-ibang stroke sa paglangoy katulad ng freestyle, breast stroke, backstroke, side stroke at elementary back.

Tinuro rin ang iba’t ibang modified strokes ng mga nabanggit na swimming techniques kung saan nakalitaw ang ulo ng swimmer sa tubig na ginagamit sa water rescue operations upang mapanatiling nasa line of sight ng rescuer ang biktima.

“Yung natutunan ko ro’n, yung tamang paraan ng paglangoy na hindi ka mabilis mapagod. Kapag nasa tubig na nakakapagod din, pero ‘pag alam mo ang tamang paraan paglangoy hindi ka basta-basta napapagod,” ani Mario Damian Jr. na isang water rescue participant.

Sinanay din sa iba’t-ibang dive at jump techniques ang grupo sa ikatlong araw ng pagsasanay katulad ng standing at sitting dive, rescue jump, stride jump at slide in entry.

Dito rin itinuro ang kahalagahan ng komunikasyon sa pagitan ng rescuer at ng sasagiping biktima.

Binigyang diin ng mga instructor ang tamang paraan ng pagsagip sa isang nagpapanic na biktima upang hindi malagay sa panganib kapwa ang buhay nila ng rescuer.

“Yung skills natin na binigay, dapat gagawin natin kasanayan na. Kapag nasanay ka na doon the rest of the skills will follow nalang at the same time yung buoyancy. Yung control sa buoyancy mo is very important, plus daily kahit once a week na lang magkaroon tayo ng skill enhancement para tuluy-tuloy yung skills natin mas maganda yun ang importante doon,” saad ni Jun Deslate, Red Cross volunteer instructor.

Subali’t sakali mang hindi posible ang naturang proseso, tinuruan din ang mga rescuer ng tamang approach sa biktima kahit na nagpapanic o di naman kaya ay nawalan na ng malay.

Sa ikaapat na araw ng training ay sinanay naman ang grupo sa wastong paggamit ng mga water safety equipments katulad ng rescue can o rescue buoy, rescue tube, throw bag at maging ang wastong pagsuot ng life jacket.

Isang practical exam naman ang isinagawa nang ikalimang araw upang masubukan ang kaalamang nakuha ng mga rescuer at matiyak na pupwede na ang mga ito na sumabak sa water rescue operations.

Labing limang participants sa UNTV News and Rescue Team Iloilo ang lumahok at sumabak sa naturang water rescue training.

“So we’re thankful that UNTV has taken time of course the logistic and the efforts to train their people, and inviting them once again for the next series of trainings for probably in the future. Thank you to you UNTV, continue to persist the advocacy in helping people in need,” pahayag ni Philippine Red Cross Gilbert Paul Valderama.

Sa pamamagitan ng naturang water rescue training katuwang ang Philippine Red Cross, mas lalo pang mapapalawak ang serbisyo publikong hatid ng UNTV sa Iloilo, maging sa panahon ng kalamidad katulad ng pagbaha at bagyo gayun din ng mga insidente sa dagat at ilog. (Reynante Ponte, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 209

Trending Articles