
Ang motor na sinakyan ng 2 rider na namatay matapos itong bumangga sa likod ng bus sa Commonwealth Avenue, QC. (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines – Dead on the spot ang dalawang lalaki nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa isang pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Mamerto Balgos at ang kasama nitong nagngangalang Victor, na kapwa nagtamo ng pinsala sa ulo na naging dahilan ng kanilang agarang pagpanaw.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, mabilis ang takbo ng motorsiklo nang bumangga sa likuran ng bus, at wala ring suot na helmet ang dalawang biktima.
Humingi naman ng tawad ang driver ng bus na pagmamay-ari ng Precious Grace Transport, at igiit na hindi niya kasalanan ang nangyari.
”Humihingi po ako ng tawad sa kanila wala naman ho akong kasalanan at sila po ang may kasalanan kasi sila ang bumangga,” pahayag ng driver ng bus na si Ruben Bolaños.
Dinala naman sa istasyon ng pulisya ang driver ng bus upang isailalim sa imbestigasyon. (Benedict Galazan & Ruth Navales, UNTV News)