
Ang naaksidenteng pulis na si PO1 Ernesto Neri habang nilalapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team. (UNTV News)
MANILA, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang isang pulis na nasugatan matapos maaksidente sa kaniyang sinasakyang motorsiklo sa kahabaan ng Pedro Gil corner Roxas Boulevard sa Maynila, madaling araw ng Miyerkules.
Ang biktima na nakilalang si PO1 Ernesto Neri na nakatalaga sa Parañaque City ay nagtamo ng sugat sa noo at ilong.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang mga sugat ng pulis at pagkatapos ay inihatid na sa ospital ng Maynila upang masuri ng mga doktor.
Sa salaysay ni PO1 Neri, binabagtas niya ang Roxas Boulevard nang bigla umano siyang banggain sa likuran ng isang van.
Hindi naman niya nakuha ang plate number ng sasakyan na agad umalis matapos ang pangyayari.
Dinala naman sa malapit na police community precinct ang motorsiklo at service firearms ng naaksidenteng pulis.
Ang news and rescue team na rin ang tumawag sa pamilya ng biktima upang alalayan ito sa ospital. (Benedict Galazan & Ruth Navales, UNTV News)