
Dalawang babaeng nasugatan sa isinagawang demolisyon sa mga bahay sa gilid ng Mahiga creek sa Sitio Mahayag, Barangay Subangdaku, Mandaue City ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team (UNTV News)
MANDAUE CITY, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang babaeng nasugatan sa isinagawang demolisyon sa mga bahay sa gilid ng Mahiga creek sa Sitio Mahayag, Barangay Subangdaku, Mandaue City kahapon ng umaga, Martes.
Kinilala ang mga biktima na sina Elma Remedio at Elphi Cabaltera, pawang mga residente ng Sitio Mahayag na nagtamo ng sugat sa ulo matapos tamaan ng bato.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang nasugatan at inilayo sa kaguluhan.
Samantala, sa kabila ng pagpupumilit ng mga residente ay natuloy rin ang pag-giba ng Mandaue City Legal Office sa mahigit isandaang bahay sa gilid ng nasabing creek, alas-2 ng hapon kahapon.
Kinondena naman ng pulisya ang paggamit ng mga residente sa mga bata bilang pananggalang sa demolition team. (Naomi Sorianosos / Ruth Navales, UNTV News)