
Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang biktima ng isang aksidente sa EDSA Muñoz noong gabi ng Lunes, Hulyo 28, 2014 (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang aksidente sa EDSA Muñoz sa lungsod ng Quezon, gabi ng Lunes.
Sugatan ang isang rider nang tumalon ito mula sa kaniyang motorsiklo matapos na banggain ng pampasaherong bus.
Agad nilapatan ng paunang lunas ng grupo ang biktima dahil sa tinamo nitong mga gasgas sa tuhod.
Kinilala ang biktima nasi Voltaire Almonte, supervisor ng isang restaurant sa Quezon City.
“Nasa tama ung motor padiretso yung motor ang bus na ito biglang pumunta sa side na ito magbaba, hanggang dun nga ung kinaladkad niya,” pahayag ni Mat Trabadon na nakasaksi sa pangyayari.
Nakatalon naman agad si Almonte mula sa kaniyang motorsiklo dahil mabagal lamang ang takbo nito.
Nakaandar pa ng 20 metro ang motorsiklo mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Ayon naman sa driver ng pampasaherong bus na si Ronaldo Celso, hindi nito napansin ang motorsiklo.
“Aminin ko na lang ho dahil ako ang nakaano sa motor eh, hindi naman ako mananalo sa kaniya,” saad nito.
Matapos mabigyan ng first aid, agad na dinala ng grupo sa Quezon City General Hospital ang biktima upang mabigyan ng kaukulang atensiyong medikal. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)