
Ang Uber car na tumagilid matapos mabangga ng isang close van sa EDSA-Quezon Avenue flyover.
QUEZON CITY, Philippines — Isinugod ng UNTV News and Rescue Team sa Quezon City General Hospital ang tatlong miyembro ng isang pamilya matapos na lapatan ng paunang lunas ang tinamong pinsala ng mga ito nang mabangga ang kanilang sinasakyang Uber car ng isang closed van sa northbound ng EDSA-Quezon Avenue flyover pasado ala-una ng madaling araw.
Minor injuries ang tinamo ng mga biktima na kinilala na sina Manny Villote, 50 anyos, Zenny Villote 49 anyos at Katrina Villote, 28 anyos na taga-Mindanao Avenue.
Tinulungan naman ng MMDA Rescue Team ang driver ng Uber Car na si Lutgardo Labares na nagtamo ng mga pinsala sa katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector 4, magkasunod na binabagtas ng dalawang sasakyan ang EDSA-Quezon Avenue Flyover nang bigla na lang banggain ng closed van ang likurang bahagi ng Uber car.
Handa namang sagutin ng driver ng closed van ang mga reklamo na isasampa ng mga biktima laban sa kanya.
Samantala, nirepondehan ng UNTV News and Rescue team ang mag-asawang naaksidente sa motorsiklo kaninang pasado alas-8 ng umaga sa South Road Properties sa Cebu.
Natumba ang motorsiklo ng mag-asawa ng mahulog at masagasaan nila ang helmet ng sinusundang naka-motorsiklo.
Kaagad na nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue ang tinamong gasgas ng mag-asawa na kinilalang sina Alvin at Catherine Sta. Ana.
Gasgas ang kaliwang tuhod ni Alvin at si Catherine naman ay nasugatan ang kaliwang braso na tumangging magpadala sa ospital.
Ihahatid sana ni Alvin ang kanyang asawa sa trabaho ng maganap ang aksidente.
Samantala, hindi man lamang tinigilan ng may-ari ng helmet ang mag-asawa.
(BERNARD DADIS / UNTV News)
The post 3 sugatan sa vehicular accident sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.