
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang isang motorcycle accident sa Quezon City nitong madaling araw ng Lunes.
QUEZON CITY, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News & Rescue team ang nangyaring aksidente sa panulukan ng Banawe Street sa Quezon Avenue nitong madaling-araw ng Lunes.
Ang biktimang si Gerry Verzosa, 28-anyos ay nakahiga sa kalsada at iniinda ang tinamong mga sugat sa siko, braso at tuhod at pananakit ng ulo.
Ayon sa ilang bystander, isang malakas na kalabog ang kanilang narinig bago nila nakita ang lalaki na nakabulagta sa kalsada.
Matapos lapatan ng paunang lunas ay inihatid na ng UNTV Rescue team ang lalaki sa East Avenue Medical Center.
Samantala, sa bahagi naman ng Barangay Mulawin sa Orani, Bataan ay dalawang lalaki ang tinulungan ng UNTV News and Rescue Team matapos masugatan dahil sa banggaan ng motorsiklo at bisikleta.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Tristan Reyes na nagtamo ng gasgas sa baba, siko, hita at paa; habang ang may dala naman ng bisikleta ay si Roel Briones ay nakaramdam ng pananakit sa kaliwang paa at balakang.
Ayon kay Tristan, pauwi na siya ng bahay nang biglang sumalpok sa kanya ang isang bisikleta na pagewang-gewang ang takbo.
Matapos bigyan ng first-aid ay inihatid na ng UNTV Rescue sa ospital ang dalawang biktima.
Sa Jaro, Iloilo naman ay isang lalaki ring naaksidente sa motorsiklo ang binigyan ng paunang-lunas ng UNTV News and Rescue Team, katuwang ang Iloilo City Emergency Response team.
Kinilala ang biktima na si Ulyses Saludes Estelita, 52-anyos, na nagtamo ng posibleng bali sa kaliwang balikat, pamamaga ng mata at sugat sa tainga, kamay at ulo.
Ayon kay Estelita, madilim ang kalsadang kanyang dinadaanan at hindi niya napansin ang mga nakalagay na signages kaya siya bumangga.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima matapos lapatan ng first-aid ang kanyang mga sugat. (UNTV News)
The post Aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo sa QC, Bataan at Iloilo, nirespondehan ng UNTV News & Rescue appeared first on UNTV News.