Nilapatan ng first aid ng UNTV News and Rescue Team ang naaksidente sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Martes ng madaling araw.
QUEZON CITY, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue team ang isang vehicular accident sa Commonwealth Avenue pasado alas dos ng madaling araw ng Martes.
Sugatan ang tatlong sakay ng isang kotse matapos na bumangga sa isang dump truck.
Nagtamo naman ng kaunting bugbog sa katawan ang driver ng truck ngunit tumanggi na itong magpahatid sa ospital.
“Pagkabangga, napaganun pa ko sa drive seat, nauntog pa yung ulo ko dito,” ani Raymund Bertus, driver ng dump truck.
Dalawa sa mga sugatan ang tinulungan ng MMDA Rescue at Brgy. Commonwealth Rescue at dinala sa East Avenue Medical Center.
Samantalang pinagtulungan namang asistehan ng UNTV News and Rescue team at Department of Public Order and Safety Rescue ang isa pang biktima na namimilipit pa sa sakit dahil sa tinamong pinsala.
Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News Rescue Team ang kalagayan ng biktima na si Robert Angelo Luguera, 31 anyos.
Pagkatapos lapatan ng paunang lunas ay dinala na ng DPOS ang biktima sa East Avenue Medical Center.
Ayon sa nakasaksi matulin ang takbo ng kotse nang bumangga sa likurang bahagi ng dump truck.
“Nasa 100 (KPH) kasi 60 (KPH). Ako eh ang layo pa ng nilusutan niya sa akin… Sabi ko uy uy uy patay sabit… yun na,” anang saksing si Wenceslao Jinang.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung sino ang dapat managot sa pangyayari. (REYNANTE PONTE / UNTV News)
The post Vehicular accident sa Commonwealth Avenue, nirespondehan ng UNTV News & Rescue appeared first on UNTV News.