
Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang isang dalagang estudyante matapos itong mabangga ng isang motorsiklo sa Quezon City kahapon, Agosto 15 (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines — Namimilipit at umiiyak sa sakit si Jelamae Balayon nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa gilid ng center island sa may Congressional Avenue, Brgy. Bahay Toro, Quezon City kahapon, alas- onse y medya ng umaga, araw ng Martes.
Iniinda ni Jelamae ang matinding pananakit ng kaliwang bahagi ng kaniyang balakang matapos itong mabangga ng motorsiklo na minamaneho ni Alvin Veri.
Agad naman siyang binigyan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team at kaagad na dinala sa Quezon City General Hospital.
Ayon kay Alvin, biglang tumawid ang biktima kaya niya ito nabangga.
“Bigla po siyang tumawid, paglingon niya na ganon tumawid na siya. Mabagal po ako, tumama yung headlight ng motor tapos yung katawan ko po bumagsak sa kaniya at iniliko ko po yung motor para hindi siya madaganan,” pahayag ni Veri.
Wala namang tinamong pinsala si Alvin at nawasak lamang ang headlight ng kaniyang motor.
Nangako naman ito na sasagutin ang gagastusin sa ospital ng kanyang nabangga. (Bernard Dadis, UNTV News)